Nag-iisip ka na naman. Nalilimutan mo na naman yung mga bagay na mas mahalaga.
Ang drama yung nagaganap sa totoong buhay. Yung nararanasan ng mga taong humihinga at nag-iisip na kagaya mo.
Hindi mo madarama ang hinagpis at lungkot sa mga napapanood sa sine o nakikita sa TV. Oo, malamang mag-uukol ka ng isang patak ng luha o maghihimutok ka sa naranasan nila. Pero mas mapait pa rin pala pag ikaw ang nakaranas. Pag ikaw na ang nakadama, minsan mas gusto mo nang kalimutan ang sakit.
Mas madaling magkunwari na masaya ka kasi madalas hindi tinatanong ng mga tao kung bakit ka masaya. Mas maraming tanong pag nakikita ka nilang malungkot at kailangan ng mahabang paliwanag pag nakita ka nilang lumuha.
Sabi nila, yung mga malalim na sugat, mas matagal daw maghilom. Oo, magsasara ang sugat pero kikirot pa rin pag malamig ang panahon.
Hindi sapat na magmahal ka lang. Dapat ipadama mo. Dapat ipaalam mo. Dapat handa kang tanggapin na baka hindi kayo pareho ng nararamdaman. Kung pareho man kayo ng nararamdaman sa isa't isa, dapat handa kang tangggapin kung hanggang saan lang yung kaya nyang iukol na panahon at oras para sayo. Wag mong hingiin sa kanya ang lahat-lahat dahil walang taong nais na matali sa isang tao na baka balang araw, iiwan din sya.
Magmahal ka pero wag kang maghangad na tutumbasan nya yung pagmamahal mo. Kung mapasok ka sa isang relasyon, lagi mong tandaan na maaaring yung isa handang ibigay ang lahat samantalang yung isa naman ay hindi. Wag mong ikumpara ang handa mong ibigay sa kaya nyang iukol. Ang mahalaga, ibinigay mo lahat. Kung hindi pa sapat yun para sa kanya, hindi mo na kasalanan yun.
Wag kang matakot magmahal o umibig. Wag mong isipin na masasaktan ka. Wag mong isipin na baka iiwan ka nya. Wag mong isipin yung bukas. Isipin mo yung ngayon, ikaw at sya.
===================================
"When you've deducted all the impossible, whatever remains, no matter how improbable, must be the truth."
No comments:
Post a Comment